NAMIMIGHATI ang ating bansa hindi lamang sa sinasabing tila labag sa Konstitusyon ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na lumilikha ng Bangsamoro Entity, kundi lalo na sa karumal dumal na masaker ng ating mga pulis sa Maguindanao ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) rebels at ng kumpirmado nilang pangkat na BIFF.
Iginiit ng marami nating kababayan ang kahinaang konstitusyonal ng panukalang BBL na lilikha ng Bangsamoro Entity, isang lokal na pamahalaan na may parliamentary set up sa ilalim ng ating kasalukuyang presidential system.
Sina dating Supreme Court Justices Vicente Mendoza at Florentino Feliciano, dating Senator Aquilino Pimentel Jr. na umakda ng Local Government Code, at Senator Miriam Defensor-Santiago ang nagpalutang ng ilang seryosong paglabag sa Konstitusyon sa panukala ng Malacañang na BBL na nagkakaloob ng “self-determination to the Bangsamoro sub-state which amounts to independence. This is a contrary to our Constitution.”
Ang pagpaslang sa may 64 pulis, ang bilang na ibinigay ng MILF, ay nagtatampok ng brutalidad ng mga rebelde sa Mindanao sa mga mamamayan at mga alagad ng batas. Ang pagmasaker kamakailan ay ang pinakamalalang brutalidad sa ating kasaysayan.
Sa pagsisikap ng gobyerno upang matugunan ang hidwaan sa Mindanao ay dapat suportahan ngunit nagdududa tayo ngayon kung ang kasalukuyang peace process na isinusulong ng administrasyong Aquino ay magdudulot nga ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyong iyon.
Habang hinaharap natin ang matitinding problema, at naghahanap ng mga solusyon para rito, manahimik muna tayo sandali at pagnilayan ang mga panalangin at inspirasyon ni Pope Francis. Samantala, kapag lumitaw na ang katotohanan sa nangyari sa Mindanao at nagkaroon na ng linaw ang konstitusyonalidad ng BBL, huwag sana nating madaliin ang pag-apruba niyon. Makahihintay ang BBL hanggang malunasan ang mga isyu nito sa ideolohiya, moralidad, at konstitusyonalidad. Kailangan nating maging maingat sa pagkamit ng pagmatalagang kapayapaan sa Mindanao.