Mga laro ngayon:
(FilOil Flying V Arena)
8 a.m. – ADMU vs NU (men)
10 a.m. – UST vs AdU (men)
2 p.m. – ADMU vs UP (women)
4 p.m. – NU vs DLSU (women)
Nakapuwersa ng 4-way tie sa liderato ang Ateneo de Manila University (ADMU) at University of Santo Tomas (UST) matapos manaig sa kanilang mga nakatunggali sa men`s division ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Pinataob ng Tigers ang nakalabang Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 25-21, 25-23, 25-22, habang iginupo naman ng Blue Eagles ang winless pa rin na University of the East (UE), 25-17, 25-17, 26-24.
Dahil sa panalo, tumabla ang Blue Eagles at ang Tigers sa pamumuno kasalo ang defending champion National University (NU) at Adamson University (AdU) na taglay ang barahang 7-2 (panalo-talo).
Sa kababaihan, nakopo naman ng reigning champion Ateneo ang unang semifinals berth matapos maitala ang ikasiyam na dikit na panalo sa pamamagitan ng 25-21, 17-25, 25-14, 22-25, 15-10 pag-ungos sa Adamson.
Pinaigting naman ng UST Tigresses ang labanan para sa huling dalawang Final Four berths nang lumikha ito ng 4-way tie sa ikatlong posisyon makaraang pataubin ang NU, 25-22, 25-19, 25-18.
Bunga sa naturang panalo, tumabla ang tropa ni coach Odjie Mamon sa kanilang biktima, gayundin sa FEU at UP na may barahang 4-5.
Bunga naman ng kabiguan, bumaba ang Lady Falcons sa kartadang 3-6.
Ang kabiguan ang una naman para sa Lady Bulldogs kasunod ng dalawang panalo sa ilalim ng bagong coach na si Roger Gorayeb.