IKINAGULAT ko ang biglang pagsilip ng dalawang customer service crew sa aking hospital room kahapon. Diretso ang kanyang tanong: Ano ang inyong maimumungkahi sa pagpapabuti ng serbisyo ng aming ospital? Ito ay nakatuon hindi sa pasyente kundi sa aking kamag-anak na matiyagang nagbabantay sa akin.
Hindi ko na pangangalanan ang kinaroroonan kong pagamutan. Sapat nang banggitin ko na ako ay isinugod dito dahil sa stomach bleeding, possible gall bladder surgery, angiogram at iba pang laboratory test. At dito rin ako halos walang malay na isinugod sa neuro intensive care unit dahil sa mild stroke, may ilang dekada na rin ang nakalilipas.
Sinadya kong ilihim ang naturang ospital nang maalala ko ang pagbibiro ng isang kaibigan: Hindi sa ospital ako dapat dalawin kundi sa aking libingan. Nakakikilabot. Pero ang naturang biro ay isinalin ng aking kaibigan sa isang madamdaming awit at ito ay naging “hit”.
Mabalik tayo sa pakikipag-usap ng mga service crew. Diretso rin ang tugon ng aking tagabantay: Dapat isapribado ang mga hospital. Ito, marahil, ang inaakala niyang magpapabuti sa serbisyo ng mga pagamutan na pinamamahalaan ng gobyerno.
Bigla kong naalala ang privatization program na isinusulong ng administrasyon. Sa ilalim ng sistemang ito, ang mga negosyo, tulad nga ng mga ospital, transport service at iba pa, ay marapat ngang pangasiwaan ng pribadong sektor. Sa gayon, matitiyak ang pagkakaloob ng mainam, mabilis at makataong paglilingkod, lalo na nga sa mga pasyente na tulad ko.
Maaaring ang pagsasapribado ng naturang mga ngegosyo at transport services ay masalimuot at nababahiran ng mga alingasngas, tulad ng bintang ng mga militanteng grupo. Pero kung ang ganitong transaksiyon ay makalilikha ng serbisyong mainam, bakit hindi natin subukin?