MALAMANG kaysa hindi, ang resolusyon na nagpapaliban sa halalan ng Sangguniang Kabataan (SK) ay mapagtitibay ng Kongreso.

Naniniwala ako na hindi lamang ang mga senador at kongresista ang naghahangad na ito ay isabay na lamang sa barangay polls sa Oktubre ng susunod na taon kundi ang mga mamamayan. Malaking halaga ang ating matitipid kung ito ay hindi idaraos sa susunod na buwan – Pebrero 21.

Hanggang sa sinusulat ito, kabilang ako sa mga optimistiko na hindi lamang maipagpapaliban ang naturang halalan, kundi ang mismong SK ay dapat nang buwagin. Ito ang matagal na nating paninindigan.

Hindi natin minamaliit ang kakayahan, katalinuhan at kahusayan sa pagiging lider ng ating mga kabataan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tayong lahat ay may mga kaanak at kabagang na nag-aangkin ng nasabing mga katangian. Subalit naniniwala ako na dapat silang mailayo sa magulong pulitika. Marapat na maukol nila ang kanilang gintong panahon sa pagtuklas ng karunungan. Ito ang pinakamakapangyarihang armas tungo sa rurok ng tagumpay. At ito ang tiyak na ikararangal at maipagmamalaki nating mga magulang.

Maraming aktibidad na mapagbabalingan ng makabuluhang oras ng ating mga kabataan. Hitik sa extra-curricular activities ang mga kolehiyo at unibersidad na dapat nilang lahukan. Naririyan ang pagiging staff member ng kani-kanilang school newspaper; aktibo pa ang College Editor Guild (CEG) at National Union of Students of the Philippines (NUSP) na minsang pinamumunuan ng yumaong Senador Raul Roco at iba pa. Ang ganitong mga organisasyon ang mabisang salihan o hasaan ng mga lider ng kinabukasan.

Hindi dapat magmadali ang naturang grupo ng kabataan. Darating sa kanila ang oportunidad upang lumahok sa tunay na larangan ng pulitika. Hindi ang SK na sinasabing palahian o breeding ground ng mga katiwalian at iba pang anyo ng alingasngas.