Ipinagharap ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kontrobersiyal na negosyanteng si Antonio Tiu.

Sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares, nabigo si Tiu na magbigay ng tamang impormasyon sa 2008 Income Tax Return (ITR) nito at hindi nagsumite ng 2013 ITR.

Natuklasan sa imbestigasyon na nakapag-invest si Tiu ng P53.50 milyong shares of stock sa kumpanyang Agrinurture Incorporated at Tiu Peck and Sons Holding Incorporated noong 2008 gayong mahigit P800,000 lamang ang idineklara nitong income para sa nasabing taon.

Si Tiu ay nag-invest din ng P71.42 milyong shares of stock sa dalawang kumpanya noong 2013 gayong wala itong idineklarang kita sa nasabing taxable year.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kabuuang P73.34 milyong tax liability ang hinahabol ng BIR kay Tiu.

Ayon sa BIR, sangkot si Tiu sa retail trading sa pamamagitan ng kumpanyang Spring Lover Trading na may business address sa Binondo, Manila.

Sa naunang pagharap ni Tiu sa Senado, iginiit naman nitong may-ari siya ng hacienda sa Rosario, Batangas na iniuugnay kay Binay.

Matatandaang unang kinasuhan ng tax evasion ang kapatid ni Tiu na si James Tiu at asawa nitong si Ann Loraine Tiu. Sinasabi namang campaign donors ni Binay sa nagdaang halalan ang mag-asawang James at Ann.