WALANG alinlangan na pagkatapos ng pagbisita ni Pope Francis, mariing tumimo sa ating kamalayan ang kanyang mga pahayag at sermon. Wala akong maapuhap na pang-uri upang ilarawan ang tunay na damdamin na naghari sa puso ng sambayanan – Katoliko man o mga kasapi ng iba't ibang sektor ng pananampalataya. Sapat nang bigyang-diin natin na ang kanyang pagbisita ay nakapangingilabot sapagkat tayo ay mistulang binisita ni Jesus Christ. Ang Papa ang vicar o kinatawan ng Diyos. Maaaring nangilabot din ang Papa sa maalab na pagtanggap sa kanya ng sambayanang Pilipino.
Makabuluhan at madamdamin ang mga mensahe ni Pope Francis. Sa pangkalahatan, ang mga ito ay nakatuon sa paggalang sa katarungang panlipunan, dignidad at sa pagtupad ng mga gawaing makatutulong sa mahihirap, lalo na sa mga biktima ng mga kalamidad na kagagawan ng tao at ng kalikasan. Hiniling niya na dinggin ang tinig ng mga maralita, inaapi at pinagsasamantalahan ng mga nakapangyayari.
Walang pinangimian si Pope Francis sa pagpapahayag ng kanyang pananaw, kahit na sino ang masagasaan. Halimbawa, lumalatay ang kanyang panawagan sa mismong mga alagad ng Simbahan; hindi sila dapat mamuhay nang marangya at laging yakapin ang pagiging payak o simple at pagpapakumbaba. Bagamat hindi tuwirang tinukoy, hindi malilimutan ang matinding pahayag kamakailan ng Papa hinggil sa 15 kasalanan ng Curia – ang administrative body na namamahala sa Vatican. Tinuligsa niya ang mga pagsasamantala at pagkukulang ng mga namumuno sa Curia – tulad marahil ng mga pagkukulang ng ilang alagad ng pananampalataya sa ating bansa.
Lumalatay rin ang panawagan ni Pope Francis tungkol sa paglipol o pag-iwas sa mga katiwalian at lahat ng uri ng alingasngas na sumisira sa lipunan. Bagamat wala ring tuwirang tinukoy ang Papa, ito ay nakatuon naman sa ating mga kababayan sa pribadong sektor at sa gobyerno na nahirati sa kasuklam-suklam na pagsasamantala, lalo na sa pagdambong ng yaman ng sambayanan. Kaakibat ito ng kanilang pagiging manhid sa pagdamay sa mga nagdarahop sa buhay.
Totoong tumitimo at lumalatay ang mga mensahe ng Papa; ang mga kinauukulang sektor ng sambayanan ay tinalaban naman kaya?