Naaresto ng pulisya ang isang photographer at isang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagpapalipad ng drone at pag-iingat ng baril sa huling araw ng pagbisita ng Santo Papa sa bansa kahapon.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor ang mga naaresto na sina Michael Sy, 35, piloto ng Unmanned Aerial Vehicle ng Snap Creative Inc.; at Sonny Anonnat, operatiba ng PDEA na nahulihan ng isang .9mm pistol makaraang masita ng pulisya.
Ayon kay Mayor, inaresto si Sy matapos magpalipad ng UAV sa Roxas Boulevard habang si Onannat ay naaresto sa Plaza Dilao sa President Quirino Avenue, Paco dahil sa pagdadala ng baril.
Sinabi ni Mayor na lumabag si Sy sa no-fly zone policy dahil sa pagpapalipad ng drone sa Roxas Boulevard, malapit sa Diamond Hotel na roon nanunuluyan ang 85 Vatican-accredited journalist, nang walang CAAP operator’s certificate.
Sinabi ni Mayor na sasampahan ng mga kaukulang kaso ang photographer dahil nilabag nito ang panuntunan ng CAAP habang paglabag sa firearms law ang kinakaharap ni Anonnat.