ANAK NG KARPINTERO ● Sa ating panahon, nakakita na tayo ng iba’t ibang hitsura ng imahe ng Señor Sto. Niño: may hitsurang hari, prinsipe, ati-atihan, mangingisda, bumbero at iba pa. Kasi naman, para sa ilan nating kababayan, nakatutwang damitan ang paslit na bersiyon ni Kristo Jesus kung kaya litaw ang pagkamalikhain nating mga Pilipino.
Ngunit sa Makato Parish sa Aklan, opisyal nang inilabas ang isang kahanga-hanga at nakaka-in love na bersiyon ng imahe ng Mahal na Sto. Niño bilang bahagi ng Ati-Atihan Festival. Sapagkat anak din naman ng isang karpintero (San Jose) si Jesus, ang bagong bersiyon ng Niño Jesus ay tinawag na Sto. Niño the Carpenter. At bilang isang karpinter, maaaring gawing inspirasyon ang imahe sa pagpapanday ng mga ugnayan ng pamilya, magkakaibigan, ng amo at manggagawa, ng mga leader at komunidad. Inspirasyon din ang Sto. Niño the Carpenter ng mga masasalanta ng kalamidad, sa kanilang muling pagbangon mula sa mga unos at sa pagpapanday ng kanilang bagong buhay. Ayon sa pamunuan ng Makato Parish, pag-aaralan nila magiging reaksiyon ng publiko sa bagong imahe ng Sto. Niño na naka-pantalon, kamisa de Chino, naka-sumbrerong buri, may utility bag sa beywang, may hawak pa ring daigdig sa kaliwang kamay ngunit sa halip na setro ay isang martilyo. Viva, Mahal na Sto. Niño!
***
AMANG NAMIN ● Sa isang ulat, nakapasok na sa bansa ang bagyong pinangalanang ‘Amang’ na halos kasabay ng pagdating ni Pope Francis. at sinabing baka uulanin ang papal visit sa mga susunod na araw. Ayon sa PAGASA, malampit sa Guiuan, Eastern Samar namataan si Amang dakong 3:30 ng madaling araw kahapon. Malakas ang hangin dala ni Amang, na aabot sa 65 kph. at may bugsong aabot sa 80 kilometro kada oras. Napanatili ng bagyo ang bilis nito na 19 kph pa-west-northwest. Sa kabila nito, nilinaw ni weather forecaster Meno Mendoza ng PAGASA na malamang lumihis si Amang ng direksiyon ngunit madadale ang ilang lugar sa Bicol at Eastern Visayas sa susunod na mga araw. Maaari ring ulnin ang Leyte bukas, ang araw ng pagdalaw ni Pope Francis sa mga survivor ng super-typhoon Yolanda at ganoon din sa misa sa Rizal Park. Pero may nakapagsabi na ang ulan na dala ni Amang ay maituturing na isang blessing – isang pisikal na basbas ng mga pagpapalang mula sa Diyos kung mayroon kang “mata” ng maalab na pananampalataya