Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ni Pope Francis kung bakit isa sa mga bansang pinili niyang dalawin ay ang Pilipinas. Pero ang alam ko ay may pwersang nagdala sa kanya rito.
Ang hinaing ng kaapihan ng mamamayang Pilipino ay nakarating na sa Langit at pilit binubuksan ang pinto nito upang humingi ng katarungan. Naparito kasi ang Papa dala ang mensaheng “awa” at “malasakit”. Itinuturo ng Biblia na sa ganitong pamantayan nakisalamuha ang Panginoong Jesus sa tao.
Napapanahon ang pagdalaw sa atin ng Papa. Salat ang bansa sa awa at malasakit ng mga taong dapat nagkakaloob nito. Tignan ninyo ang mga mamamayan.
May mga pamilyang naninirahan sa ilalim ng tulay. Sa ilalim nito dumadaloy ang napakarumi ay napakabahong ilog. Kapag tumaas ang tubig, sila ang unang inaanod kasama ang mga basurang galing sa iba’t ibang lugar. May nakatira sa gilid ng mga estero, pero ang kalagayan nila ay tulad ng katayuan ng mga nakatira sa ilalim ng tulay, mabaho at mapanganib.
May nakatira sa kariton at sirang sasakyang nakabalandra sa kalye na ang hanapbuhay ay halukayin ang basura para mapili kung alin ang puwedeng makain at ibenta. Nasa gilid din ng mga pader ang kanilang barong-barong na kapag walang tigil ang ulan ay gumuguho at nililibing nang buhay silang buong pamilya
Ang mga masuwerteng nagkabahay ay puwersahang inililikas at ginigiba ang kanilang tahanan dahil sila ay squatter sa kanilang sariling bansa. Itinataon sa panahon ng kasayahan na ang mga bahay ng mga nagpupumilit mamirmi sa kanilang kinatatayuan ay masunog. Nagdiriwang sila ng Pasko at Bagong Taon sa kalsada. Ang mga nabiktima ng kalamidad ay nanatili sa mga evacuation center.
Gútom, walang trabaho, hindi makapag-aral at ipinauubaya na sa kalikasan ang paggaling ng mga dukha. Kasi, ang gobyernong dapat tumulong sa kanila ay walang kakayahang gawin ito. Walang awa at malasakit ang mga namamahala nito. Mabago kaya sila ng Papa?