Walang sapat na ebidensiya na mag-uugnay kay Agriculture Secretary Proceso Alcala sa nabulgar na manipulasyon ng presyo ng bawang, na kinasasangkutan ng ilang tiwaling importer, ayon kay Justice Secretary Leila de Lima.
Bagamat inimbestigahan din si Alcala ng National Bureau of Investigation (NBI) nang unang pumutok ang kontrobersiya, sinabi ni De Lima na hanggang ngayon ay walang matibay na ebidensiyang nakakalap ang NBI laban sa kalihim.
Noong Miyerkules, naghain ang NBI ng kasong kriminal laban sa 119 na personalidad, sa pangunguna ni dating Bureau of Plant Industry (BPI) Director Clarito Barron at ng garlic importer na si Lila Cruz, alias “Leah Cruz,” na tinaguriang “Janet Lim Napoles” ng Department of Agriculture (DA).
Matapos iugnay sa manipulasyon ng presyo ng bawang noong 2013, kinasuhan din si Barron ng direct bribery dahil sa pagtanggap umano ng P240,000 mula kay Lilybeth Valenzuela, pangulo ng Philippine Vegetable Importers and Exporters, Inc. bilang kapalit sa pagpapalabas ng import permit ng bawang.
Hindi naman kabilang si Alcala sa mga pinangalanang respondent sa complaint-transmittal na inihain ng NBI sa kabila ng inihayag ni Valenzuela sa kanyang sinumpaang salaysay na sinabi sa kanya ni Barron na kailangan nila ang “basbas” ni Alcala bago sila makakuha ng import permit.
Samantala, sinabi ng NBI na maghahain ito ng hiwalay na kaso laban sa parehong grupo ng respondent na kinabibilangan ng paglabag sa Price Act, Monopolies and Combinations in Restraint of Trade, Using Fictitious Names and Concealing True Names at Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders.
Base sa resulta ng imbestigasyon, sinabi ng NBI na nagkaroon ng kutsabahan sa pagitan ng mga opisyal ng BPI at ng naturang grupo ng garlic importer sa pagkuha ng import permit sa bawang habang ang mga hindi miyembro ng samahan ay madalang na mabigyan ng permit.