MASASAYA at makukulay na karanasan ang maaasahan mga turistang bibisita sa Albay kung saan gaganapin ang malalaking international event bukod sa 13 magarbong festival sa buong taon. Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, sa pamamagitan ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit kasama ang tatlong Senior Officials’ Meetings (SOM), makababawi ang lalawigan sa naudlot na Informal Senior Officials Meeting dito noon sanang Disyembre 8-9 ngunit inilipat sa Maynila dahil sa banta ng Bagyong Ruby. Naniniwala siyang mahahalagang economic benefit ang aanihin ng Albay sa APEC-SOM.

Ang XTERRA Triathlon na ilulunsad sa Albay sa ika-8 ng Pebrero at tatlong taon na idaraos sa Albay ay inaasahang sasalihan ng mahigit 1,500 atleta at dadaluhan ng may 2,500 bisita na lalong magpapasigla ng turismo ng Albay na kinikilala ngayon bilang “fastest growing tourism destination” ng bansa. Karaniwan itong binibigyan ng malawakang coverage ng world media. Sinabi ni Salceda na ang pagbubukas ng XTERRA ay matataon sa simula ng pang-apat na taunang Cagsawa Festival at ika-201 taon ng Cagsawa Ruins na malapit nang maging world heritage site ng UNESCO. Ang pagpili sa Albay para pagdausan ng XTERRA Triathlon ay pinagtibay kay Salceda nitong 2014 ni Wilfred Uytengsu Jr., ang XTERRA Franchise holder para sa Pilipinas.

Sa Oktubre, host naman ang Albay para sa PATA Adventure Travel and Responsible Tourism Conference and Mart, matapos magapi nito ang iba pang mga higanteng

bidder sa bansa. Pangunahing organisasyon ang PATA sa larangan ng travel and tourism sa Asia Pacific. Ito ang partner ng United Nations World Tourism Organization na nito nakaraang 2014 ay sa Albay din ginanap ang malalaking kumperensiya nito.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Bukod sa mga international events na ito, mayroong 13 regular na festival ang Albay na umaakit ng libu-libong turista. Kasama rito ang Cagsawa Festival sa Pebrero; Daragang Magayon sa Abril; Sarung Banggi ng Santo Domingo sa Mayo; Pulang Angui ng Polangui, Pinangat ng Camalig at Tabak ng Tabaco City sa Hunyo; Lubid ng Pioduran at Alinao ng Malinao sa Hulyo; Karagumoy ng Manito, Ibalong ng Legazpi City, at Longganisa ng Guinobatan sa Agusto; Coron ng Tiwi at Nito Talahib ng Manito sa Setyembre; at Karangahan Green Christmas Festival ng Albay sa Disyembre. Maipakikita ng mga Albayano, lalo na ng kanilang mga pinuno, ang kanilang angking panghalina sa turismo na tila hindi man lang nagagalusan sa harap ng mga kalamidad.