NANG itatag ang International Rice Research Institute (IRRI) sa Los Baños, Laguna noong 1960, na may suporta ng Ford Foundation, ng Rockefeller Foundation, at ng ating gobyerno, agad itong nanaliksik na humantong sa pagkakaroon ng bago at mas pinahusay na rice varieties at ng mga pamamaraan sa pangangasiwa ng palay.

Marami sa ating mga kapitbansa sa Southeast Asia ang nakinabang sa pananaliksik na ito. Ang Thailand at Vietnam ngayon ay nakapagpo-produce ng sobra-sobrang bigas na kanilang iniluluwas sa buong daigdig. May katiting na kabalintunaan na ang Pilipinas, kung saan nagsikap sa pananaliksik ang IRRI sa isang 250-ektaryang experimental farm sa Los Baños, ay ang pinakamalaking importer ngayon ng Thai at Vietnamese rice.

Tanyag sa buong daigdig ang mga Filipino scientist at researcher. Ang huling kinilala ay si Dr. William Dollente Dar, na pinarangalan noong Disyembre dahil sa kanyang mga gawa sa International Crop Research Institute for the Semi-Arid Tropics (ICRISAT) sa India kung saan naglingkod siya sa loob ng 15 taon. Pinuri siya sa pagbibigay ng bagong direksiyon sa diin ng institute mula sa research para sa kapakanan ng researching, sa research na aktuwal na pakikinabangan ng mga magsasaka. Tiniyak niya na ang mga pag-aaral ng institute sa mga pananim na matibay sa tagtuyot – mga pea, sorghum, millet, atbp. – ay umaabot sa maliliit na magsasaka.

Ipinakita ni Dr. Dar ang apat na haligi ng agrikultura na kanyang dinebelop sa ICRISAT – kabilang ang science-based agriculture, resilient agriculture na tumutugon sa climate change, at ang isang market orientation na nakatuon sa pagsasaka bilang kumikitang kabuhayan, pati na ang pagsasali ng mga magsasaka bilang bahagi ng proseso ng development. Nagsilbi si Dar bilang Secretary of Agriculture sa administrasyong Estrada noong 1998 bago siya lumipat sa ICRISAT noong 1999.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagpapatuloy ang agricultural research ngayon sa Pilipinas at sa buong mundo. Kabilang sa huling tagumpay nito ay ang pagkakaroon ng rice varieties na matibay sa baha. Maaaring ito ang sagot sa paulit-ulit na pagkalugi ng ating mga magsasaka ng palay sa Northern Luzon dahil sa regular na pagdating ng mga bagyo na dahilan ng pagbaha sa kanilang mga sakahan.

Agrikulura ang nananatiling lubos nating pag-asa sa ekonomiya at mamamayan ng ating bansa. Maaari nating madebelop ang ating mga industriya at ang sektor sa serbisyo; maaari tayong magkaloob ng mga trabaho sa nakababatang mamamayan sa turismo at sa business outsourcing. Ngunit ang Pilipinas ay isang bansang pang-agrikultura at ang malaking mayorya ng ating mamamayan ay naninirahan sa mga lalawigan.

Mayroon tayong mga lupain at mga ilog at ulan upang gawing mabunga. At mayroon tayong mga scientist, researcher at mahuhusay na administrador tulad ni Dr. Dar. Sa taglay nating resources na ito, kailangang tutukan natin ang agrikultura bilang sentro ng ating anti-poverty, ng ating paglikha ng mga trabaho, at ng ating pangkalahatang programa sa kaunlaran ng pambansang ekonomiya.