Bagamat may bentahe pagdating sa karanasan, naniniwala si San Miguel Beer coach Leo Austria na hindi naman pahuhuli sa kaalaman nila sa technicality at iba pang aspeto sa larong basketball ang kanyang makakatunggaling si coach Alex Compton.
Dating manlalaro ni Austria si Compton nang head coach pa ito ng Welcoat noong 2006, sinabi ng una na hindi matatawaran ang kakayahan nito lalo na ang dedikasyon ni Compton sa kanyang trabaho.
``Iyon ang palagi niyang sinasabi, na mas lamang kami kasi mas malawak ang karanasan namin, but in terms of knowledge in technicality and the game itself, he can be at par with other veteran coaches in the league,`` pahayag ni Austria.
Ayon pa kay Austria, makikita ang galing sa paghawak ni Compton sa koponan ng Alaska na napakalaki ng naging transpormasyon o pagbabago na siyang nagdala sa mga ito sa kampeonato.
``Kita naman natin kung ano ang nagawa niya para sa Alaska at ‘yun ay dahil sa kanyang dedikasyon sa kanyang trabaho,” dagdag pa ni Austria.
Bukod dito, sinabi din ni Austria na malaking bagay din ang naging pagyakap ni Compton sa kultura ng mga Pinoy.
``Alam naman natin na pure American siya, pero ‘yung knowledge niya sa Filipino culture, actually marami nga niyang alam na dialect, hindi lang Tagalog, marunong siyang magbisaya, marunong siyang mag-Ilocano. Nakatulong din ng malaki ‘yun at kaya siya nagtagal dito dahil din sa basketball.``
Dahil dito, inaasahan ni Austria na magiging kapana-panabik ang kanilang susuunging serye kontra Alaska na magsisimula bukas (Miyerkules) sa Smart Araneta Coliseum.