Ni ALEXANDER D. LOPEZ

DAVAO CITY – Nagbanta ang pamunuan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ng mas marami pang pag-atake sa Mindanao ngayong 2015 dahil handa na umano ang opensiba ng grupo.

Ito ang kinumpirma sa may akda ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, sa isang panayam sa telepono nitong Sabado.

“May mga pag-atake kaming ginawa sa Maguindanao. Meron din sa President Quirino sa Sultan Kudarat at sa Baliki, Midsayap sa North Cotabato,” ani Mama.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nagbabala siyang maglulunsad pa ng mga pag-atake ang BIFF bilang bahagi ng ‘Jihad’ o Holy War ng grupo sa Mindanao, lalo na, aniya, dahil mayroon na silang mga bagong kasapi.

“Maraming mga totoong ‘Mujahiden’ ang sumanib na ngayon sa BIFF, ang iba ay ‘yung mga hindi sumang-ayon sa pag-uusap (usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front),” dagdag pa ni Mama.

Ang nasabing usapan ay nagbunsod sa paglagda sa kasunduan para sa pagtatatag ng bagong Bangsamoro region sa Mindanao.

“Ito ay hindi ordinaryong rebolusyon. Holy War ito ng mga Muslim dito sa Mindanao,” babala pa ni Mama.

Ayon sa Philippine Army, isang sundalo ang namatay at tatlong iba pa ang nasugatan sa huling pag-atake ng BIFF sa Maguindanao at Sultan Kudarat.

Nilinaw din ni Mama na sa kabila ng paglaki ng BIFF ay hindi sila magpapadala ng mga kasapi sa Middle East para makipaglaban kasama ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

“’Yung mga miyembro namin na nandoon na sa Middle East ay sila na ang nagboluntaryo na sumapi sa ISIS. Wala po kaming ipapadalang miyembro galing dito,” paglilinaw ni Mama.

Kinumpirma rin ni Mama na ang BIFF ay miyembro ng ISIS.