Ilang araw matapos magbanta ang ilang mambabatas na paiimbestigahan ang huling dagdag presyo sa produktong petrolyo sa bansa, agad na kumambiyo ang mga oil company na magpapatupad ng oil price rollback ngayong Lunes ng madaling araw.
Sa pahayag kahapon ng Petron, magtatapyas ito ng P1.25 sa presyo ng kada litro ng kerosene, 95 sentimos sa gasolina at 80 sentimos naman sa diesel.
Hindi naman nagpahuli sa bawaspresyo sa gasolina at diesel ang PTT Philippines.
Bandang 6:00 ng umaga magtatapyas ng parehong halaga sa gasolina at diesel ang Phoenix Petroleum.
Noong Disyembre 30 ay nagpatupad ng dagdag-presyo ang mga kumpanya, sa pangunguna ng Shell, Petron at Chevron, ng 30 sentimos sa kada litro ng gasolina at 10 sentimos sa kerosene habang walang paggalaw sa presyo ng diesel na inalmahan ng mga motorista at transport groups.
Iginiit ng mga ito na hindi makatwiran ang ipinatupad na pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil patuloy ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.