Laro ngayon: (MOA Arena)

7 p.m. Alaska vs. Rain Or Shine

Maitabla ang serye at makapuwersa ng winner-take-all ang tatangkain ng Rain or Shine sa kanilang muling paghaharap ngayon ng Alaska sa Game Six ng kanilang best-of-seven semifinals series sa ginaganap na 2015 PBA Philippine Cup sa MOA Arena sa Pasay City.

Nakuha ng Aces ang 3-2 bentahe sa serye kasunod ng kanilang naitalang 93-88 panalo sa Game Five sa pamumuno nina Cyrus Baguio at Calvin Abueva na umiskor ng tig-16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin kampante si coach Alex Compton dahil batid niya ang kakayahan ng kanilang kalaban, partikular ang mentor na si Yeng Guiao.

Katunayan ay inamin ni Compton na pagdating sa tau-tao o match-up sa coaching, talo sila ng Rain or Shine dahil sa malawak na karanasan at husay ni Guiao.

Kaya naman wala aniya silang nakamit at hindi garantiya ang nakuha nilang lamang sa serye na nakasisiguro na silang pumasok sa kampeonato.

Hindi naman nalalayo ang iniisip ni Compton dahil talagang plano silang trabahuhin nang mabuti ng Rain or Shine, partikular ang kanilang big men na ayon kay Elasto Painters ace guard Paul Lee ay siyang nagpapahirap sa kanila sa serye.

``May chance pa naman kami, kailangan lang talagang pagtrabahuhan,`` ani Lee. ``Lalo na ‘yung rebounding, doon kami lagi natatalo, at ‘yun din ang laging sinasabi sa amin ni coach, lagi kaming nalulusutan ng kanilang big men sa ilalim so ‘yun talaga ang dapat namin bigyan ng pansin.``

Tinutukoy ni Lee sina Sonny Thoss, Abueva at Vic Manuel na siyang pumapatay sa kanila sa ilalim, kasama pa ang beteranong si Eric Menk.

Kaya naman malaking hamon ito para sa kanilang big men na sina Raymund Almazan, JR Quinahan, Beau Belga at Jervy Cruz, gayundin kung paano sila susuportahan ng kanilang teammates.

Kung magwawagi ngayon ang Aces, sila na ang makakaduwelo ng San Miguel Beer sa finals, ngunit kung magtatabla naman sila ng Elasto Painters, gaganapin ang winner-take-all Game 7 sa Martes.