ZAMBOANGA CITY – Apat na lalaki ang naaresto nang masamsam mula sa kanila ang ilang armas, bala, dalawang sasakyan at P1.2 milyon cash sa pagsakalay sa pinagkukutaan ng mga drug pusher sa siyudad na ito noong Biyernes.
Sinabi ni Insp. Dahlan Samuddin, Regional Police Information Officer, na dakong 2:00 ng hapon noong Biyernes nang salakayin ng Zamboanga City Public Safety Company, sa pamumuno ni Supt. Ariel Huesca at pakikipag-ugnayan sa Ayala Police Station 9, ang Barangay Recodo na pinagkukutaan umano ng mga nagtutulak ng ilegal na droga.
Kinilala ang mga naaresto na sina Larsam Salih, 31; Agnan Garil, 41; at Samir Alawi, 23, na nakumpiskahan ng ilegal na droga at drug paraphernalia; at Asani Saylama, 47, nakumpiskahan ng isang granada, drug paraphernalia at isang slot machine.
Nakumpiska rin ng awtoridad ang isang Nissan Navarra pick up (LGU-926) at isang Toyota Hi-Ace van na pinaniniwalaang ginagamit ng mga suspek sa pagbebenta ng droga.
Habang nagsasagawa ng surveillance operation, namataan ng raiding team ang pagpasok ng mga suspek sa mga eskinita ng Purok 3-B sa Bgy. Recodo, na kilalang pugad ng mga tulak.
Nang matunugan ang mga nakabuntot na pulis, nagtakbuhan ang apat subalit nakorner din sila matapos ang ilang minutong habulan. (Nonoy E. Lacson)