Uulanin ang ilang bahagi ng bansa sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Miyerkules, bunsod ng umiiral na low pressure area (LPA) sa bahagi ng Mindanao, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Inihayag ni Aldczar Aurelio, weather specialist ng PAGASA, na maaaring umulan sa Miyerkules, bisperas ng Bagong Taon.

Huli aniyang natukoy ang nasabing sama ng panahon sa layong 630 kilometro silangan ng Hinatuan sa Surigao del Sur.

Paliwanag ng PAGASA, ang LPA ay maghahatid ng katamtamang pag-ulan at thunderstorms, lalo na sa Eastern Visayas, Caraga Region at Davao Region sa loob ng 24-oras.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inalerto rin ng ahensiya ang mga kinauukulan, kabilang na ang mga lokal na opisyal at residente sa mga nabanggit na lugar at pinayuhang mag-monitor sa mga susunod na weather bulletin kaugnay ng LPA.

Binanggit din ng PAGASA kahapon na hindi pa rin nagiging bagyo ang nasabing LPA na nananatili pa rin sa karagatan.