ILOILO CITY – Nahaharap ngayon ng kasong graft ang dating tauhan ng Sen. Franklin Drilon na naghain din ng kahalintulad na reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa senador ilang buwan na ang nakararaan hinggil sa umano’y overpricing ng Iloilo Convention Center.
Napag-alaman ng Office of the Ombudsman-Visayas na may sapat na dahilan upang kasuhan ng graft sina Manuel Mejorada at anim na iba pa sa umano’y overpricing ng mga laptop computer na binili noong 2008 noong ang una ay nagsisilbi pa bilang provincial administrator ng noo’y Iloilo Governor Niel Tupas Sr.
Si Mejorada, na dating tauhan din ni Drilon, at anim pang iba ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nag-ugat ang kaso sa resulta ng imbestigasyon ng Ombudsman matapos mailathala sa pahayagan sa Iloilo ang 2008 annual report ng Commission on Audit (CoA) hinggil sa pagbili ng lokal na pamahalaan ng Acer Aspire 5920G laptop computer para sa Iloilo Provincial Health Office sa halagang P99,000.
Subalit nang magbenta ang isa pang supplier na Seven-Seven Trading sa Iloilo provincial government noong Pebrero 2009, lumitaw sa CoA report na nagkakahalaga lamang ang isang Acer Travel Mate 6292 laptop computer ng P59,000.
Napag-alaman din ng Ombudsman na iisa ang bidder para sa laptop computer na labag sa batas.