Dahil sa patuloy na pagtaas ng krimen at lumalalang imahe ng isla ng Boracay, sinibak na sa puwesto kahapon ang hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa isla sa Malay, Aklan.
Ayon kay acting Aklan Police Provincial Office director Senior Supt. Iver Appelido, sinibak niya si Senior Insp. Mark Evan Salvo, bilang hepe ng BTAC.
Tinanggal sa puwesto si Salvo dahil sa hindi masawatang krimen sa isla, partikular ang mga insidente ng nakawan na ang kadalasang biktima ay mga dayuhang turista.
Si Senior Insp. Fidel Gentallan ang pumalit kay Salvo, na inilipat sa Aklan Public Safety Company.