Nakisalo ang College of St. Benilde (CSB) sa ikatlong posisyon sa men`s team standings nang kanilang igupo ang San Sebastian College (SSC) kahapon sa loob ng straight sets, 28-26, 25-17, 25-17, sa pagpapatuloy ng NCAA Season 90 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Umiskor si Johnvic de Guzman ng 14 hits at 1 ace para sa kabuuang 15 puntos upang pamunuan ang nasabing back-to-back win ng Blazers na nag-angat sa kanila sa barahang 5-2 (panalo-talo) kasalo ang Arellano University (AU).

Nagdagdag din ng 12 hits si Racnade Etrone para sa nasabing panalo na kanilang naiposte kasunod ng kanilang straight sets win laban sa Jose Rizal University (JRU) makaraan ang natamong ikalawang kabiguan sa kamay ng defending champion University of Perpetual Help.

Tumapos naman na top scorer para sa Stags, bumaba sa ikalimang puwesto kapantay ang Letran College na may barahang 3-6 (panalo-talo), si Richard Tolentino na may itinalang13 puntos.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Una rito, nagwagi naman ang Staglets kontra sa Junior Blazers sa juniors division, 25-21, 25-17, 25-19.

Humataw si Romeo Tedones ng 13 hits at 3 aces para sa kabuuang 16 puntos upang pangunahan ang panalo ng San Sebastian, ang kanilang ikaapat sa pitong laro na naglagay sa kanila sa solong ikaapat na puwesto .

Nagdagdag naman ng 11 puntos si John Francis Principe para sa naturang panalo na nagbaba naman sa CSB sa barahang 1-5 (panalo-talo) para sa solong ikapitong puwesto.