Winakasan ng University of Santo Tomas (UST) ang labing-isang taong pagdomina ng Far Eastern University (FEU) sa women`s division sa katatapos ng UAAP Season 77 athletics competition na ginanap sa Philsports track and football field sa Pasig City.
Nakatipon ang Tigresses ng 478 puntos upang mapatalsik ang long-time titlists Lady Tamaraws na nakatipon lamang ng 377 puntos.
Ang titulo ang ika-5 para sa Tigresses na huling nagkampeon noong 2001.
Nagtapos naman na nasa ikatlo ang season host University of the East (UE) na may natipong 259 puntos sa pamumuno ng season MVP na si Jennyrose Rosales.
Bumawi naman ang FEU sa men`s division nang mapanatili ng Tamaraws ang kanilang titulo sa ikalimang sunod na taon.
Sa pangunguna ni season MVP Janry Ubas, nakalikom ang FEU ng kabuuang 479 puntos para makamit ang ika-24 na pangkalahatang titulo sa liga.
Pumangalawa naman sa kanila ang De La Salle University (DLSU) na nagtala ng 228 puntos habang pumangatlo ang UST na may 226 puntos.
Tinanghal na MVP si Rosales makaraang magtala ng bagong meet record sa 400-meter run na 54.45 segundo.
Nagwagi rin ang 20-anyos na trackster ng gold medal sa 400-meter hurdles sa itinalang bagong record breaking performance na 1:01.15 at 200-meter dash, bukod pa sa kanyang second place finish sa 800-meter race.
Dalawang record din ang winasak naman ni Ubas na kinabibilangan ng long jump (7.29 meters) at decathlon (6,521 points), bukod pa sa pagwawagi ng gold medal sa pole vault (4.30 meters) at triple jump (14.84 meters) at silver medal naman sa high jump at javelin throw.
Napili naman bilang outstanding rookie sa kababaihan si Tigresses’ long distance runner Louielyn Pamatian na nagwagi ng gold medal sa 1500-meter run at bronze sa 400-meter at 800-meter run.
Si Bryan-Jay Pacheco naman ng FEU ang nahirang na men`s top rookie matapos nitong mapagtagumpayan ang shot put, pumangalawa sa javelin throw at pumangatlo sa discus throw.
Samantala, sa junior’s division, tumapos ang UE na may 390 puntos upang angkinin ang kampeonato habang pumangalawa sa kanila ang Ateneo (342) at pumangatlo ang De La Salle-Zobel (175).
Kinilala naman bilang MVP si Javier Gayoso ng Ateneo.