Magpapadala ang gobyerno ng Pilipinas ng isang grupo ng public prosecutor sa Malaysia sa susunod na buwan upang iapela ang extradition ng negosyanteng si Manuel Amalilio na nahaharap sa P12 billion estafa case.
Ito ang inihayag ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima matapos makausap ni Pangulong Aquino si Malaysian Prime Minister Najib Razak hinggil sa kaso ni Amalilio sa ginanap na 25th ASEAN-Republic of Korea commemorative summit sa Seoul.
Ani De Lima, magtutungo ang grupo ng prosecutor sa Kuala Lumpur sa Enero upang madetermina kung posible pang maibalik sa Pilipinas si Amalilio matapos nitong makumpleto ang kanyang dalawang taon na sentensiya sa Malaysia dahil sa paggamit ng pekeng passport at travel document.
“Kakausapin ng team ang Attorney Generals Chambers ng Malaysia na tumutulong sa atin sa kaso. Sila ang nagabiso sa atin kung ano ang mga requirement sa extradition ni Amalilio at nakatulong din sila sa proseso sa Kota Kinabalu,” dagdag ng kalihim.
Noong Oktubre, tinanggihan ng Malaysian government ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na ma-extradite si Amalilio, mayari ng Aman Futures Group Philippines, Inc. na isinangkot sa P12 billion pyramiding scam na bumiktima ng libu-libong investor sa Mindanao at iba pang lugar sa bansa.
Ito ay matapos magpalabas ng warrant of arrest si Presiding Judge Dennis Vicoy ng Pagadian City Regional Trial Court Branch 20 laban kay Amalilio at siyam na iba pa kaugnay sa investment scam.