PROACTIVE SANA TAYO ● Hindi raw sagot sa problemang kinakaharap ng New Bilibid Prisons (NBP) ang pagpapatupad ng Implementing Rules and Regulations (IRR) na Modernization Act of 2013. Ito ang inamin ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila De Lima na ang implementasyon ng Republic Act (RA) No. 10575, o ang Bureau of Corrections (BuCor) Modernization Act of 2013 ang solusyon sa problemang kinakaharap sa pamamahala ng mga kulungan sa bansa.
Pero sinabi ng hinahangaan nating si De Lima, kung sasamahan ito ng pagtupad sa mandato, pagkakaroon ng malinaw na direksiyon mga layuning nais abutin at ang pagiging proactive, tiyak na makakamtan ang pagbabago sa BuCor. Kahapon nang pormal nang nilagdaan ang naturang IRR na nakasaad ang ilang improvements sa mga pasilidad ng BuCor at dagdag sweldo sa mga kawani nito. Naroon din ang mga balakin na gagawing regional ang mga pasilidad ng pambansang bilangguan upang madalaw nang mas madalas ng mga kaanak ang mga nakapiit. Base sa pag-aaral, mas madali ang pagbabago ng isang bilanggo kapag palagiang nakakausap ang mga kapamilya. Mayroong balak na ilipat sa Laur, Nueva Ecija ang NBP na nasa sa Muntinlupa City na popondohan ng P50 billion, na layunin magkaroon ng bagong segregation system ng mga bilanggo depende sa kanilang mga nagawang krimen. Ibig sabihin, ihihiwalay sa mga ordinaryong kriminal ang mga tanyag at maiimpluwensiyang inmate, mga sugapa sa droga, at yaong mga notorious. Nasasangkot ngayon sa matinding kontrobersiya ang Bucor at NBP dahil sa pamamayagpag umano ng mga convicted druglord sa kanilang mga illegal drug trade kasabwat ang mga opisyal at tauhan ng naturang kulungan. Mangyayari ang mga pagbabago, kung willing at proactive lang sana ang mga kinauukulan.
***
ISA PANG PAGBABAGO ● Iniutos ng Department of Trade and Industry (DTI) kamakailan ang pagbababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Dulot ito ng sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng langis kamakailan. Ayon kay DTI Undersecretary Vic Dimagiba, kailangang bawasan ang presyo ng gatas, sardinas, kape at iba pang basic goods. Maliban rito, muli ring iginiit ng DTI na kailangang magpatupad ng rollback sa pasahe sa bus, eroplano, barko at taxi na gumagamit din ng petrolyo. Haaay... May sumunod sana sa utos ng DTI.