Lumobo na sa kabuuang P1,912,853,060 ang halaga ng napinsala ng bagyong “Ruby” sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Ayon sa Department of Agriculture (DA) information office, sa naturang halaga ay umabot sa P1,545,287,390 ang nasirang pataniman ng palay, P51,707,874 sa pataniman ng mais at sa high value crop ay umabot sa P226,423,297 mula sa naturang kalamidad.
Umabot naman sa P48,224,665 ang nasalanta sa palaisdaan at P6,458,820 naman ang nasalanta sa livestock. Ang naturang halaga ng pinsala ay mula sa ginawang pag-iikot ng DA sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo sa Region 4A at 4B, 5,6, at 8.
May naihanda ng mga punla ang ahensiya para ipamahagi sa mga nasalantang pataniman gayundin ng mga figerling sa mga naapektuhang pangisdaan.
Sinabi ni DA Secretary Proceso Alcala na patuloy ang monitoring ng mga tauhan sa naturang mga lalawigan upang malaman kung ano pa ang maaaring maipagkaloob na ayuda sa mga magsasaka at mangingisda sa mga nasalantang lugar upang matulungan ang mga itong makabangon mula sa pagkalugi.