Sa ikatlong pagkakataon, hiniling ng kampo ni dating Philippine Military Academy (PMA) Cadet First Class Aldrin Cudia sa Korte Suprema na madaliin ang pagdedesisyon sa kanyang kaso.

Sa inihaing third motion for early resolution, hiniling ni Cudia na desisyunan na ng Korte Suprema ang merito ng kanyang kaso para makapagpatuloy na siya ng kanyang pag-aaral.

Nakasaad sa mosyon na sa bawat araw na lumilipas, napipigil ang kinabukasan ni Cudia, partikular na ang paghahanap niya ng trabaho at pagpursige ng mas mataas na edukasyon dahil nakasaad sa kanyang transcript of records na siya ay naka-indefinite suspension mula sa PMA.

Hindi naman kasi maitatanggi na napakahusay na estudyante ni Cudia at hanggang hindi nalulutas ang kanyang kaso, hindi siya makakapagpursige ng kanyang karera.

National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

Naniniwala ang kampo ni Cudia na tanging ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihan na tugunan ang kanyang sitwasyon.

Si Cudia, sa pamamagitan ng Public Attorneys Office (PAO), dumulog sa Korte Suprema at hiniling na iutos ang pagsasama ng kanyang pangalan sa listahan ng mga graduate ng PMA Siklab Diwa Class of 2014 at ibigay sa kanya ang parangal na nararapat para sa kanya.

Pero ngayon ay bukas na si Cudia na sumubok sa ibang larangan labas sa PMA.

Si Cudia ay pinatawan ng dismissal ng PMA Honors Committee dahil umano sa pagsisinungaling nang siya ay nahuli ng dalawang minuto sa kanyang klase.