Isang maulan na hapon, pinakiusapan ako ng aking esposo na mamasyal sandali sa isang video shop upang tingnan kung anong pelikula sa DVD ang maaari naming arkilahin. Sapagkat wala naman talaga akong mahalagang gagawin, at kailangan ko rin namang mag-exercise, nagpunta ako sa video shop na malapit sa aming apartment.
Nakaayos ayon sa uri ng pelikula ang mga DVD sa video shop. Dahil mahilig ako sa science fiction, nagtungo ako sa hanay ng mga pelikulang ganoon ang uri. Sa aking pagpili, sumagi sa aking paningin ang “Return of the Jedi” isa sa trilogy ng “Star Wars.” Hinugot ko iyon at tiningnan ang cover ng DVD. Nabuhay sa isipan ko ang mga eksena sa pelikulang iyon.
Isa sa pinaka-memorable na linya mula sa pelikulang “Star Wars” ay ang sinabi ni Jedi (mandirigma) Master na si Obi-Wan Kenobi kay sa batang Jedi na si Luke Skywalker na “Use the force!” Ang ibig ipakahulugan ng “Use the force” ay ang pagsasantabi ng iyong conscious thought at magtiwala ka sa iyong instincts. Kahalintulad din nito ang sinabi ni Fritz Perls, ang ama ng gestalt psychotherapy: “Lose your mind and come to your senses! Ang mensahe nina Fritz at Obi-Wan ay nangangahulugan na labis nating iniisip ang ating mga bagay-bagay sa buhay.
Marami sa atin ang nagtitiis at sumusuong sa mga problemang kanilang kinakaharap habang hindi nila pinapansin ang kanilang instincts. Bingi o nagbibingi-bingihan sila sa tinig ng kanilang konsiyensiya. Ayon nga sa isang pag-aaral, mas magana kang magtrabaho o gumawa ng anumang bagay kung hindi ka sobra sa pag-iisip at sa halip ay pagkatiwalaan ang iyong instincts. May mapupulot nga tayong aral kung kakatigan natin ang ating kutob habang tayo ay humaharap sa isang matinding desisyon.
Sa susunod na kinompronta ka ng isang matinding pagpapasya, mag-isip ka na parang isang Jedi: Use the force, at pakinggan ang karunungan ng iyong konsiyensiya