IPINAGDIRIWANG ngayong Disyembre 8 ng sambayanang Katoliko ang Kapistahan ng Immaculada Concepcion. Bahagi ng pagdiriwang ang mga misa sa bawat parokya na susundan ng prusisyon ng mga imahen ng Immaculada Concepcion. Kasama sa prusisyon ang mga mag-aaral, miyembro ng iba’t ibang religious organization at MGA Marian devotee. Nagsimula ang pagdiriwang ng Immaculada Concepcion noong ika-9 na siglo. At noong Disyembre 8, 1854, nilinaw at ipinag-utos ni Pope Pius IX ang dogma ng Kalinis-linisang Paglilihi ni Maria. Ang Immaculada Concepcion ay pagdiriwang ng pagbibigay dangal sa lahi ng sangkatauhan. Ang Mahal na Birhen Maria ay ang espirituwal na Ina ng lahat ng tao.
Sa lungsod ng Antipolo, ang Kapistahan ng Immaculada Concepcion ay bahagi ng inilunsad na Antipolo Christmas Fiesta 2014 na pinangungunahan ni Antipolo City Mayor Jun Ynares. Inihudyat ang simula ng Antipolo Christmas Fiesta 2014 kahapon ng isang makulay na parada. Nagsimula sa Ynares Center at nagwakas sa Sumulong Park. At ngayong Disyembre 8, tampok ang mga misa sa Katedral ng Antipolo, susundan ng fiesta procession sa Antipolo proper sa ganap na 6:00 hanggang 8:30 ng gabi. Kasunod nito sa Ynares Center ay ang Grand Coronation Night ng Mutya ng Antipolo 2014.
Hindi pa napapawi sa isip ng marami natin kababayan ang isyu sa pinakamataas na opisyal ng Philippine National Police na Director General Alan Purisima. Ipinagharap siya sa Ombudsman ng kasong plunder, graft at indirect bribery dahil umano sa kanyang “hidden mansion” sa San Leonardo Nueva Ecija at sa construction ng “White House” ang opisyal niyang tirahan sa Camp Crame. Ang nagharap ng kaso ay ang Coalition of Filipino Consumers. Ipinagtanggol naman siya agad ng Pangulong Aquino at sinabing kilala niya si Purisima na hindi maluho. Ngunit tila binabayo uli ng problema si Purisima sapagkat nitong Disyembre 4, iniutos ng Tanggapan ng Ombudsman na suspendido siya ng anim na buwan na walang suweldo at ang may 15 pang opisyal ng PNP dahil sa umano’y maanomalyang kontrata sa courier service ng mga lisensiya ng baril. Ang direktiba ng suspension ay ipinadala ni Ombudsman Conchita Carpio Morales kay DILG Secretary Mar Roxas upang ipatupad sa loob ng limang araw. Ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng Philippine National Police na ang PNP Chief ay suspindehin sa kanyang tanggapan dahil sa alegasyon ng katiwalian.