Ngayong kasagsagan ng Christmas season ay nagtalaga na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga “Christmas loop” upang may alternatibong madadaanan ang mga motoristang patungo sa mga airport.
Sinabi ni Noemie Recio, MMDA traffic engineering head, na layunin ng nasabing plano na maibsan ang inaasahang matinding pagsisikip ng trapiko malapit sa mga paliparan dahil karaniwan nang marami ang bumibiyahe tuwing Christmas season.
Batid ni Recio ang problema ng mga nagbibiyahe patungo sa mga airport dahil sa paggawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Elevated Expressway 2.
Aniya, habang papalapit ang Pasko ay mas marami ang nag-uuwian sa mga probinsiya o kaya naman ay lumalabas ng bansa.
“If you’re coming from Makati going to Terminal 1 and Terminal 2, we do not advise them to traverse Andrews Avenue because of the heavy traffic,” sinabi ni Recio sa isang panayam sa radyo.
Sa halip, pinayuhan ni Recio ang mga motorista na dumaan sa Skyway o sa South Luzon Expressway, bago tahakin ang Sucat Road o Doña Soledad patungo sa NAIA Terminals 1 at 2.
Maaari rin namang dumaan na lang sa Armstrong at sa Kaingin Road.
Para sa mga patungo sa Mall of Asia, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa Kabihasnan Road patungong Coastal Road at Pacific Avenue.
Iminungkahi rin ng MMDA sa mga motorista na magkaroon ng apat hanggang limang oras na allowance sa pagbibiyahe patungo sa mga airport upang hindi mahuli sa kanilang flight.
Una nang inamin ni Tolentino na mahihirapan ang ahensiya na muling ipatupad ang Christmas lanes dahil sa 100 road project na tinatapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Metro Manila.