Dinakip ng pulisya ang isang 60-anyos na Japanese na nahuling nagbebenta ng ilegal na droga sa San Fernando City sa La Union, ayon sa pulisya.

Sinabi rin ni Senior Supt. Ramon Rafael, director ng La Union Police Provincial Office, na inaresto rin ang Pilipinang asawa ni Tomoaki Ishii na nakilalang si Joy, 33, makaraang maaktuhan sa pot session ang huli.

Ayon kay Rafael, ang operasyon ay bunsod ng intelligence report tungkol sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga ni Ishii, isang 60-anyos na Japanese na matagal nang naninirahan sa La Union.

Aniya, inaresto si Ishii sa apartment nito sa Oceana sa Barangay Carlatan, kasunod ng buy-bust operation makaraang makipagtransaksiyon sa dayuhan ang isang police asset dakong 11:45 ng gabi noong Sabado.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Dinala sa ospital ang naarestong Japanese makalipas ang ilang oras dahil sa hirap sa paghinga,” sabi ni Rafael.

Sinabi ni Rafael na bago nadakip si Ishii ay naaresto na ang asawa nitong si Joy sa Bgy. Poro kasama ang ilang kaibigan.

Ayon kay Rafael, kalalabas lang sa drug rehabilitation center ni Joy.

Dagdag pa niya, nagtse-check na sila sa Bureau of Immigration (BI) tungkol sa mga record ni Ishii, na aniya ay sasampahan sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act). - Aaron Recuenco