SI BANTAY, KINATAY ● Totoong malapit na nga ang Pasko. Kaya naman nagkukumahog ang mga negosyante upang samantalahin ang pananabik ng mga tao sa dakilag araw na iyon. Ang sipag sa paggawa ng kanilang mga produkto upang mamagnet ang bonus na maaaring tangan pa ng mga mamimili. Ngunit may mga negosyanteng totoong mapagsamantala. Magnenegosyo sila sa ilegal na paraan upang kumita nang malaki sa kakaunting puhunan. Tulad na lamang ng isang magkakarne na naaresto sa QC kamakailan, sa may talipapa ng Bgy. Piñahan, Diliman, QC. Nasamsam sa kanya ang karne ng kinatay na aso na iaabante sa Baguio. Base sa report ng Quezon City Meat Inspection Service, kinilala ang suspek na si Benjamin Abante. Nakakulong ngayon si Abante nang surpresahin siya ng pulisya at masamsaman ng 50 kinatay na aso.

Ibabagsak sana ang mga karne sa Baguio ngunit natunugan sila ng Philippine Society for the Prevention of Cruelty to Animals. May nakapagsabi na marami ang bumibili ng karne ng aso tuwing taglamig bilang pangontra sa ginaw dahil mainit ito sa katawan kapag kinain at patok ito sa mga inuman at handaan sa eskuwater na lugar. Best friend daw ng tao ang mga aso. Papatayin mo ba ang best friend mo at saka kakainin? Kung walang tumatangkilik ng karne ng aso, mahihinto ang pagkatay.

***

APEC SA ALBAY ● Tulad ng isang maybahay na abalang-abala sa paghahanda ng kanyang tahanan para sa pagdating ng kanyang mga bisita, ganoon din ang Naga City; sapagkat abala na rin sa paghahanda ng Naga Airport para sa pagdating ng mga delegado ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na idaraos sa lalawigan ng Albay. Ayon kay Nicanor Olunan, terminal supervisor at assistant entrance manager ng Naga Airport, isa ang Naga airport na nasa Pili, sa mga paliparan na gagamitin sa nasabing malaking aktibidad. Prioridad ng paghahanda ang kaligtasan ng matataas na opisyal ng iba’t ibang bansa na kanilang sasalubungin sa idaraos na APEC Summit. Katuwang ng Naga Airport sa pagbibigay ng seguridad at kaayusan ay ang Philippine National Police na inaasahang magpadadala ng mga tauhan sa nasabing paliparan. Sa unang linggo ng Disyembre ang simula ng pagdating ng mga kalahok sa nasabing pagtitipon. Napakapalad ng lalawigan ng Albay sapagkat maitatanghal nila ang kailang mga likas na yaman, kultura, at karunungan sa mga banyagang kalahok ng APEC Summit.
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists