Pamumunuan ng kapwa 14-anyos at beterano sa international competition na sina Carlos Edriel Yulo at Katrina Marie Evangelista ang kampanya ng Pilipinas sa paghataw ngayon ng 6th ASEAN Schools Games na gaganapin sa Marikina City, PhilSports Arena at Rizal Memorial Gymnastics Center.
Sasabak si Yulo sa men’s artistic gymnatics habang si Evangelista ay lalarga sa women’s artistic gymnastics competitions sa internasyonal na torneo para sa kabataang estudyante. Magsisimula ang torneo sa Disyembre 1 hanggang 3 sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila.
Kagagaling lamang nina Yulo at Evangelista sa paglahok sa sinalihang 14th Pacific Rim Gymnastics Championships 2014 sa Vancouver, Canada noong Abril.
Makakasama ni Yulo sa Philippine national MAG team sina Ricardo Otero III, Ivan Cruz, Jag Timbang at Raphael Ablaza sa paggabay nina coach Mune Kujiyama at Van Talingting.
Makakatulong naman ni Evangelista sa WAG team sina Micah Fenina Bernate, Alexis Gian Reomales, Mary Samantha Bustria, Aiah Joice Fuentes at Sophia Gonzales na mamanduhan nina Allen Aldrin Castaneda, Jhony Rumualdo at Jana Eftimiu.
Lalahok naman sa rhythmic gymnastics para sa bansa sina Kyla Silverio, Nicole Orella, Reyna Jean Cortel at Nicole Medina kung saan ay bench tactician si Sheryll Contillo.