Isang operator ng isang plastics recycling company sa Valenzuela City at dalawang Customs broker ang nasa balag na alanganin ngayon matapos irekomenda ng Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng kasong kriminal sa mga ito dahil sa pag-aangkat ng basura at mapanganib na materyales mula sa Canada noong nakaraang taon.

Nakalagak pa rin sa Manila International Container Port (MICP) ng Bureau of Customs (BoC) ang nasabing kargamento.

Sa imbestigasyon ng kawanihan, sa pangunguna ni Atty. Christine Estepa, natuklasang nagsumite si Adelfa Eduardo at mga Customs broker na sina Sherjun Saldon at Leonora Flores ng pekeng dokumentasyon para sa pag-aangkat ng may 59 container van ng mga basura na delikado sa kalusugan ngunit idineklara bilang plastic scrap.

Lumabas sa imbestigasyon na lumabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP), partikular sa Sections 3601 at 3601, Article 172, at sa RA 6969 (Act to Control Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes) ang mga suspek.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Si Eduadro ang sinasabing may-ari ng Chronic Plastics, ang kumpanyang nag-angkat, ayon sa reklamo ng BoC sa DoJ sa unang bahagi ng taong ito.

“The articles actually contained in the imported shipments are classified within the limiting condition or conditions in the importation of recyclable materials containing hazardous substances. They are considered as prohibited articles and not allowed entry into the country due to the hazards they may carry,” ayon sa resolusyon ng DoJ, idinagdag na bigo ang mga kakasuhan na makakuha ng clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa importasyon.

Batay sa record ng BoC, ang mga container van ay dumating sa pagitan ng Hunyo at Agosto 2013 at ipinadala sa pamamagitan ng Chronic, Inc. sa Ontario, Canada gamit ang Chronic Plastics bilang consignee.- Mina Navarro