CHARLOTTE, N.C. (AP)– Umiskor si Wesley Matthews ng season-high na 28 puntos kung saan ay tinalo ng Portland Trail Blazers ang Charlotte Hornets, 105-97, kahapon para sa kanilang ikasiyam na sunod na pagwawagi.
Si Matthews ay 10-of-15 mula sa field at 6-of-9 mula sa 3-point range sa pag-angat ng Portland (12-3) at maging 7-0 kontra Eastern Conference teams.
‘’I knew it was just a matter of time before that drought ended and I’m back to being myself,’’ sabi ni Matthews. ‘’Hopefully tonight was a step in that direction.’’
Nagtapos si Damian Lillard na may 22 puntos, at nagdagdag si Robin Lopez ng 15 puntos at 10 rebounds.
Si Brian Roberts ay nagkaroon ng career-high na 24 puntos para sa Hornets, na natalo ng pitong sunod at siyam sa kanilang huling 10. Nagtala si Al Jefferson ng 21 puntos at 14 rebounds para sa kanyang ikalimang double-double.
Patuloy ang pagtambak ng injuries sa Hornets, na mayroong dalawang starters na tumumba sa laro. Inilabas si Marvin Williams sa second quarter dahil sa sprained left shoulder, at nasiko naman sa ulo si Kemba Walkers sa ikatlong yugto. Nagbalik si Walker sa fourth quarter ngunit hindi nakapaglaro si Williams.
Lumamang ang Hornets sa 56-45 sa break sa pangunguna ni Roberts, na naibuslo ang kanyang unang anim na pagtatangka, kabilang ang isang pares ng 3-pointers, at nagtapos na may 15 puntos.
Si Lamarcus Aldridge, na may average na 22 puntos kada laro, ay 1-of-9 lamang mula sa field sa first half at ang Trail Blazers ay naka-shoot lamang ng 34 porsiyento. Nagtapos si Aldridge na may 9 puntos sa kanyang 3-of-18 sa shooting ngunit humatak naman ng 14 rebounds.
Na-outscore ng Portland ang Charlotte, 34-20, sa third quarter at nakipagbuno upang mabawi ang kalamangan sa natitirang 4:07 ng period sa likod ng layup ni Lopez. Pinalawig ng Trail Blazers ang kanilang abante sa 14 sa fourth quarter at sinelyuhan ang laro may 1:10 pang nalalabi nang mablangka ni Lopez ang driving layup ni Walker at ipasok ni Matthews ang kanyang ikaanim na 3-pointer sa kabilang dulo upang ilagay ang kanilang bentahe sa 12.
Sa ikalawang sunod na laro, natalo ang Hornets mula sa arko.
Nalamangan ang Hornets ng 21 puntos ng Trail Blazers mula sa 3-point range.
Ito ay dalawang gabi mula nang ma-outscore sila ng 39 puntos ng Los Angeles Clippers.
Resulta ng ibang laro:
Cleveland 113, Washington 87
Golden State 111, Orlando 96
Brooklyn 99, Philadelphia 91
Toronto 126, Atlanta 115
Dallas 109, New York 102
LA Clippers 104, Detroit 98
Houston 102, Sacramento 89
Milwaukee 103, Minnesota 86
Oklahoma City 97, Utah 82
San Antonio 106, Indiana 100
Phoenix 120, Denver 112