Muling ibinalik ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang proyekto nitong “Premyo sa Resibo” sa Maynila upang mahikayat ang mga mamimili na humingi ng official receipt at commercial invoice mula sa mga establisimiyento sa siyudad.
Inaprubahan ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares ang pagbabalik ng programa matapos siyang makatanggap ng impormasyon na maraming establisimiyento sa siyudad, kabilang ang mga nasa loob ng shopping mall, ang lantarang lumalabag sa regulasyon sa pagbibigay ng resibo upang palabasin na mahina ang kanilang negosyo at mabawasan ang buwis na kanilang babayaran.
Sinabi ni Manila Revenue Regional Director Araceli Franciso na napatunayan nang epektibo ang Premyo sa Resibo laban sa mga madaraya sa buwis.
Aniya, tatagal ang Premyo sa Resibo hanggang Pasko kung kailan malakas ang benta ng mga establisimiyento.
Sinabi ng BIR na lalo pang ginawang simple ang proseso sa pagsali sa Premyo sa Resibo upang mahikayat ang mas marami na makibahagi sa patimpalak.
“To join in the raffle contest, participants must put their invoices in drop boxes installed at entrances of shopping centers, writing their names and addresses at the back of the receipts including their telephone numbers to inform them in case their entries will be picked up in the draw,” pahayag ni Francisco.
Kabilang sa premyo ang P100,000 cash para sa first prize winner; P50,000 sa second prize winner; at P20,000 sa third prize winner.
Magbibigay din ng consolation prize na P5,000 sa ilang lucky participants.
Ang draw date ay sa Disyembre 1, 8, 15 at 22. Pasok sa draw ang mga invoice para sa contest simula Nobyembre 15.