“WATCH mo A&A (Aquino & Abunda Tonight) mamaya, nag-deny si Jed (Madela) sa sinulat mong taga-CDO ang sinabihan niyang bunch of monkeys.”
Ito ang mensaheng natanggap namin noong Lunes bandang alas nuwebe y media ng gabi.
Timing naman na paalis na kami ng Edsa Shangri-La Mall kaya’t ilang minuto lang namin binaybay ang EDSA pauwi ng bahay.
Napanood nga namin ang taped interview ni Jed sa A&A na itinanggi niya na tinukoy niya na bunch of monkeys ang mga tao sa Cagayan de Oro (CDO).
Sa sinulat namin dito sa BALITA na nalathala noong Nobyembre 11 (Martes) base sa interview namin kay Jed ng Lunes (Nobyembre 10) ng umaga sa cellphone na naka-tape, ito ang nakasaad: “Na-misinterpret po ‘yung post ko, I was referring po sa staff ng Cagayan de Oro airport kasi we’re on our way to Manila at lahat nagmamadali, hindi maayos ang check-in nila, sobrang higpit na hindi mo maintindihan. Nataon po kasi na nai-post ko ‘yan, nasa studio na ako,”
Nag-ugat ang isyung ito nang itanggi ng premyadong singer na mga taga-ASAP ang tinawag niya ng bunch of monkeys.
Sa bandang huli ng panayam kay Jed sa Aquino & Abunda Tonight ay nabanggit niya na may mga gumagawa lang ng isyu sa kanya para masira siya sa mga taga-CDO at nagsabi pang “let’s practice responsible journalism” na muntik nang ikinainit ng ulo namin.
Kaya pagkatapos mapanood ang panayam kay Jed ay tinext namin siya ng, ‘gud pm Jed, noong nag-usap po tayo ay naka-tape po tayo nang sinabi mo po na ang mga tao sa CDO airport ang tukoy mong bunch of monkeys dahil dinenay mo po ang ASAP staff. Sana po ‘wag n’yo naman i-deny kasi naging maayos naman po ang usapan natin at kinuha ko ang side n’yo re the issue. I’m doing my job the best I can, I hope you do yours, too. Thank you very much.’
Ilang minuto lang ang lumipas ay kaagad namang sumagot si Jed: “Hi Reggee. The problem is that someone generalized everything saying that I was referring to the ‘people of CDO’. That is a whole new different thing. I never said that it was the people of CDO, I referred to some people I dealt with at the CDO airport.”
Sinabi namin na tungkol nga sa mga staff ng CDO airport ang sinulat namin at namali nga ang tanong dahil in general at sabi pa ni Jed, “it’s not your fault. I’m sure other writers are feasting on the issue and have twisted the facts.”
Hayan, maliwanag na po, Bossing DMB na hindi ang nasulat natin dito sa BALITA ang idini-deny ni Jed.
Medyo hinayblad po kasi si Bossing DMB kahapon ng umaga nang mabalitaan niyang itinanggi kami ni Jed at pinalabas na sinungaling. Mahigpit ang bilin niya sa akin at sa lahat ng reporters ng aming section na bawal ang mga imbentong showbiz items. Kahit blind items, dapat totoo. Highly professional at responsible ang coverage namin sa entertainment industry kaya unfair sa amin ang panawagan ni Jen Madela na “let’s practice responsible journalism”.
Katunayan, verbatim ko inilabas ang takbo ng naging usapan namin ng nasabing singer.
Samantala, may nakuha naman kaming update kay Jed na nakipag-usap na siya sa mga bossing ng ASAP at okay na sila.