Tinanggihan ng Court of Tax Appeals (CTA), dahil sa kawalan ng merito, ang hiling ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na huwag payagan ang world boxing champion na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na magharap ng mga bagong pleading laban sa multibilyon pisong kaso ng buwis laban sa boksingero.
Sa resolusyon ng First Division ng tax court na ipinalabas noong Oktubre 24, pinagsusumite ng CTA ang BIR ng amended answer sa naamyendahang petition for review ni Pacquiao. Ayon sa korte, kung mabibigo ang BIR na magsumite ng amended answer sa tamang panahon “the court shall consider its answer filed in October 21, 2013 as its answer to the amended petition for review.”
Sa isang apat na pahinang resolusyon, inihayag ng korte na tinanggap nito ang panukalang pag-amyenda para pagkalooban ng due process si Pacquiao, alinsunod na rin sa batas.
Ibinasura ng korte ang argumento ng BIR na hindi na dapat pang payagan si Pacquiao na magharap ng mga bagong dokumento dahil naisumite na ng magkabilang panig ang kani-kanilang pleading.
Matatandaang hiniling ni Pacquiao sa CTA na pawalang-bisa ang warrant of garnishments (WG) na ipinalabas ng BIR sa mga bank deposit ng kongresista, dahil batay umano ito sa assessment na iginiit niyang walang bisa, sapagkat hindi umano niya personal na natanggap ang nasabing mga assessment notice.
Ang problema ni Pacquiao sa buwis ay nag-ugat sa $28 million na kanyang napanalunan matapos niyang matagumpay na naidepensa ang kanyang mga titulo sa limang championship bout sa Amerika noong 2008 at 2009 - Jun Ramirez