Duda si United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco sa sinabi ng Senate Blue Ribbon Committee na agad itong iimbestigahan ang umano’y “overpriced” Iloilo Convention Center (ICC).

Ang P488 milyong ICC ay sinasabing pet project ni Senate President Franklin Drilon makaraang maglaan ang senador ng pondo buhat sa kanyang Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program noong 2012 at 2013 sa pagpapatayo ng nasabing gusali.

“Mukha pong dilly-dallying lang ang ginagawa ng Blue Ribbon Committee tungkol sa Iloilo Convention Center. Sinasabi nilang gusto nilang patibayin pa ang ating procurement laws, eto na ang kaparehas na kaso, so dapat mas makakatulong ito pero bakit ayaw galawin kapag kaalyado ang kasangkot sa anomalya?” tanong ni Tiangco.

Ayon kay Tiangco, ang Blue Ribbon ang tanging komite sa Senado na maaaring magsagawa ng moto propio hearings na hindi kailangang maghain ng anumang resolusyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inihayag ni Blue Ribbon chairman Senator Teofisto Guingona na magtatakda sila ng pagdinig kaugnay sa umano’y sobrang mahal na pagpapatayo ng ICC base sa mga dokumento na isusumite sa komite at dito kukuha ang panel ng kanilang mga itatanong.

Tiniyak ni Guingona na ikakasa nito ang imbestigasyon sa naturang kontrobersiyal na convention center sa oras na makumpleto ang inisyal nilang paghahanda.

Naghihintay at interesado naman ang UNA sa kalalabasan ng mga pagdinig.