Pinasok nina Congressman Toby Tiangco at UNA Interim Secretary General JV Bautista ang imbestigasyon na isinasagawa kamakailan ng Senate Blue Ribbon Sub-committee ukol sa corruption ni VP Binay nang alkalde pa lamang ito ng Makati. Nais sana nilang magsalita pero hindi sila pinayagan, bagkus ay pinalabas sila ng bulwagan. Binatikos ni VP Binay ang ginawa sa dalawa. Hindi na nila iginalang ang protocol, wika niya.

Normal lang na sabihin niya ito dahil naroon ang dalawa para isulong sana ang kanyang interes. Pero mali siya na ang subcommittee ang lumabag ng protocol. Ang dalawa, ang lumabag. Wala namang imbitasyon sa kanila para dumalo sa pagdinig. Ang ibig bang sabihin ng protocol ni Binay ay kumo nandoroon na rin ang dalawa ay dapat iginalang at kahit paano ay pinagsalita sila? Eh di kahit sino na hindi imbitado, basta gustong magsalita ay dapat pagsalitain. Protocol ng gubat ito dahil hindi na kinikilala ang patakaran at kaayusan.

Alam nina Tiangco at Bautista na hindi mangyayari ang gusto nila dahil si Tiangco ay kasalukuyang kongresista at si Bautista, minsan ay naging party-list representative. Alam nila ang patakaran ng kongreso, maging ito ay mababang kapulungan o senado, na sa anumang imbestigasyon gagawin nito, ang imbitado lamang ang puwedeng magsalita o pwersahing magsalita. Naglatag lang sila ng batayan para suwaying muli ni VP Binay ang imbitasyong ipinaabot na sa kanya ng subcommittee na dumalo sa darating na pagdinig nito.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kay Bautista natin narinig ito. Paano natin maaasahan na dadalo si VP Binay sa pagdinig, wika niya, ay namimili lang ang sub-committee ng mga gusto nitong marinig. Ayaw marinig ang magbibigay ng panig ng Vice-President, kaya kami pinalabas sa pagdinig. Naiipit kasi si Binay ng opinyong publiko na pinadadalo siya sa pagdinig ng sub-committee para dito niya ipaliwanag ang kanyang panig kung walang katotohanan ang ibinibintang sa kanya. Hindi nakaiinggit ang papel nina Tiangco at Bautista.