Ni NONOY E. LACSON

ZAMBOANGA CITY – Walong tanggapan sa munisipyo ng Sirawai sa Zamboanga del Norte ang natupok noong Martes, at nasa P4 milyon halaga ng ariarian ng gobyerno ang nasira dahil sa faulty electrical wiring.

Ayon sa nahuling report sa lungsod na ito, nangyari ang sunog bandang 12:30 ng umaga noong Martes, at mabilis na nilamon ng apoy ang Sirawai National Building sa Barangay Saint Mary sa Sirawai.

Nasa gusali ang walong tanggapan ng gobyerno, kabilang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Department of Agriculture (DA), Municipal Civil Registrar (MCR), Department of Agrarian Reform (DAR), Commission on Elections (ComelecOMELEC), Municipal Engineering Office, General Service Office at Sirawai Municipal Police.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa police report, natukoy ni PO2 Frederick A. Madrista ang sunog sa ikalawang palapag ng gusali habang nagpapatrulya siya bandang 12:30 ng umaga.

Nagpasaklolo ang mga tauhan ng Sirawai Police sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Siocon, Zamboanga del Norte habang sinisikap na maisalba ang mahahalagang dokumento at kagamitan sa himpilan.

Nabatid na nang makaresponde ang mga bombero mula sa Siocon sa Sirawai bandang 2:40 ng umaga ay tupok na ang buong gusali.

Kabilang sa mga naabo sa himpilan ng Sirawai Police ang isang handheld radio, isang base radio, dalawang typewriter, ilang baril, mga bala, isang patrol car, at mga gamit sa opisina.

Dakong 7:30 ng umaga nang ideklara ng BFP Siocon na tuluyan nang naapula ang sunog. Walang nasugatan sa insidente.