Tinambakan ng Sta. Lucia Land ang Kawasaki-Marikina, 81-52, para masungkit ang unang panalo sa pagpapatuloy ng 4th DELeague Invitational Basketball Tournament noong Huwebes ng gabi sa Marikina Sports Center sa Marikina City.

Gumawa ng 18 puntos at 7 rebounds si Richard Smith at nagdagdag naman ng 12 puntos at 5 rebounds si Jun Gabriel para sa Sta. Lucia na binigo ang two-time defending champion Hobe Bihon sa una nilang laro noong Linggo.

Umiskor naman ng 14 puntos si Ronald Roy habang si Sydney Onyunbere ay may 8 puntos at 7 rebounds para sa Kawasaki na nalaglag sa 0-2 karta.

Sa isa pang laro sa ligang itinataguyod ni Marikina Mayor Del De Guzman at sinusuportahan din ng PCA Marivalley, St. Anthony Hospital, PS Bank Blue Wave Marquinton Branch, Luyong Restaurant Concepcion, Mckie’s Equipment Sales and Rental Tutor 911, at Toyota Motors Marikina, dinurog ng Uratex Foam ang PNP, 90-71.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nagtala si Von Pambeling ng 21 puntos at 9 rebounds habang nagambag si Fidel Castro ng 13 puntos at 4 rebounds upang pangunahan ang Uratex.

Kinulang naman ang 17 puntos ni Anton Tolentino Jr. para mabigyan ng unang panalo ang PNP.

Makakatapat naman ng MBL Selection sa Martes ang Sealions at maghaharap naman ang Cars Unlimited at Team Mercenary.

Para sa resulta ng mga laro, maaaring bisitahin ang www.sports29.com o facebook page ng DELeague. Mabibili ang tiket sa halagang P10.