Tatlo katao na kinabibilangan ng dalawang sundalo ang napatay makaraang sumalakay ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa bayan ng President Quirino sa Sultan Kudarat noong Huwebes ng gabi.

Kabilang sa mga namatay si Maximo Salamanca, kapatid ni dating President Quirino Mayor Emilio Salamanca, at dalawang sundalo na hindi pa nakikilala ng pulisya.

Narekober ng mga sundalo ang bangkay ni Salamanca matapos ang walong oras na engkuwentro sa Barangay Bagumbayan, sa Sultan Kudarat at sa Bgy. Kulasi sa SK Pendatun, Maguindanao.

Sinabi ni Senior Insp. Gary Marfil, hepe ng pulisya ng President Quirino, dalawang kasapi ng Barangay Police Action Team ang nasugatan sa labanan.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ito ay sina Jose Lusano, na nagtamo ng tama sa ulo at Gerry Yadao na tinamaan naman sa kaliwang kamay.

Ayon kay Marfil, ang detachment ng CAFGU sa Bgy. Katiko, President Quirino ang unang sinalakay ng may 30 sa BIFF at nagpadala ng dagdag na tropa ang 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army.

Naniniwala si Marfil na hindi lamang land conflict ang target ng BIFF sa pagsalakay sa lugar kundi nais din ng mga rebelde na maghasik ng takot dahil sa nagpapatuloy na konsultasyon sa isinusulong na Bangsamoro Basic Law.

Naka-hightened alert ngayon ang buong bayan ng President Quirino.