Natadtad ng lubak ang “Tuwid na Daan” ni Pangulong Noynoy. Ang dalawang pinakamalaki sa mga ito ay ginawa ng DAP at PDAF at paglubha ng krimen. Ang DAP ay pork barrel ng Pangulo mismo, samantalang ang PDAF, ng mga mambabatas. Kaya sila pork barrel ay dahil malaking pondo ang mga ito na bahala na ang Pangulo at mga mambabatas ang magsasabi kung para sa saan sila gagastusin. Sa pamamagitan ng mga ito ay pinadugo ang taumbayan. Bukod sa malaking porsyentong naibulsa buhat dito ng iilan ay nalagay pa ito sa mga ghost project.
Kaya ang galit ng taumbayan sa naganap na ito ay nakabuo sila “One Million March” sa Rizal Park. Naging sanhi naman ito ng piling pag-usig sa mga sangkot sa napakalaking anomalya at krimen laban sa mamamayan. Nakakulong ngayon ang tatlong senador habang dinidinig ang kanilang kaso sa Sandiganbayan. May nakasama ang mga ito sa senado nang siya ay senador pa. Sa unang termino niya, ginamit niya ang kanyang PDAF para sa isang taon nang walang kinuhang porsyento. Subalit nang gamitin ang bahagi ng kanyang PDAF ng kanyang mga pinagbigyan at pinaimbestigahan ang naging bunga nito, dinaya nila ang bayan. Wala sa tamang plano dahil kulang sa kinakailangan ang proyekto. Dahil ganito naman ang nangyari, wika niya, inutil ang PDAF. Mula noon hanggang sa lisanin niya ang senado, hindi na niya kinuha at ginamit ang kanyang PDAF. Nagbigay siya ng halimbawa para pamarisan sana ng kapwa niya senador, pero isa lang siya. Ang kainaman naman sa kanya ay nanatili siyang matatag sa kanyang paninindigan. Hindi siya nadala ng agos.
Ang aking binabanggit ay naging PNP Chief bago siya naging senador. Pinatakbo niyang malangis ang makinarya ng samahang ito na ang tungkulin ay gawing mapayapa at tahimik ang bansa. Naging epektibo ito sa pagbaka ng krimen. Bilang pinuno ay hindi siya nasangkot sa anumang katiwalian. Hindi niya ginamit ang kanyang posisyon para magpayaman. Siya ang unang gumagawa sa nais niyang ipagawa sa kanyang mga pinamumunuan. Dahil nagpapasunod siya ayon sa kanyang magandang ehemplo, iginalang siya at kinatakutan ng mga pulis at kriminal. Sa dalawang isyung malaki ang sinira sa daang matuwid ni Pinoy, nasa ibabaw ang taong ito. Leadership by example ang panuntunan niya. Siya ay si Sen. Ping Lacson.