Isang lalaki ang namatay matapos manlaban at barilin sa ulo ng isang holdaper sa harap ng kanyang asawa sa Tondo, Manila kahapon ng madaling araw.

Ideneklarang dead-on-the-spot ang biktimang si Primo Ansale, residente ng Block 18, Lot 4, Hernandez Street, Catmon, Malabon City bunsod nang tama ng bala sa ulo.

Inilarawan ni Teresita, asawa ng biktima, ang suspek na nasa edad 30-40, nakasuot ng maong na shorts, puting sando at balingkinitan ang pangangatawan.

Batay sa imbestigasyon ni SPO2 Milbert Balinggan, naganap ang insidente dakong 2:00 ng madaling araw sa panulukan ng Carmen Planas at Lakandula Street, sa Tondo.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa salaysay sa pulisya ni Teresita, bago ang krimen ay nagpunta sila ng asawa sa Divisoria upang mamimili ng kagamitan.

Gayunman, paglabas nila sa isang hamburger store ay nakita niya ang suspek na nakatingin sa kanilang mag-asawa.

Lumakad pa palayo sa lugar ang mag-asawa ngunit sinundan sila ng suspek at gumamit pa ito ng payong upang itago ang kanyang mukha.

Gayunman, pumalag umano ang biktima sanhi upang barilin ito ng suspek saka tumakas tangay ang cellphone at pitaka ng biktima na naglalaman ng P5,000 na ipambibili sana nila ng ilang gamit.