Hindi na naitago ng mga miyembro ng University of Perpetual Help, partikular ng apat na manlalarong magtatapos ng kanilang playing years sa taong ito, ang kanilang sama ng loob sa nangyaring kabiguan sa ikalawang sunod na taon sa kamay ng San Beda College (SBC) sa Final Four ng NCAA men’s basketball tournament.

Katunayan, hindi na nakayang kontrolin ni Altas power forward Justine Alano ang kanyang emosyon kaya’t tumulo ang luha sa mga mata nito habang kinakapanayam ng mga miyembro ng NCAA Press Corps sa post-game interviews.

“Unfair eh,” ang lumuluhang wika ni Alano. “Maliliit na nga kami, minamaliit pa nila kami. Bakit? Porke’t Perpetual lang kami? Hindi ko naman sila sinisisi pero ‘yung mga nangyayari, mas pabor sa kanila (San Beda) eh.”

“Kahit anong natatanggap naming sakit, okay lang sa amin. Pero bakit sa kanila, kaunting bunggo lang, may tawag agad?”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Kaya nagkakaroon ng away sa court dahil din sa mga referee,” dagdag pa nito. “Hindi ko sila sinisisi, pero ‘yung mga nangyayari nakikita naman ng nanonood at mga naglalaro eh.”

“’Yung first half medyo malambot ‘yung tawag nila,” pahayag naman ng kanilang kapitan at PBA bound na si Harold Arboleda.

Para naman sa kapwa niya paakyat sa pro ranks na si Juneric Baloria, ang mga ginawang tawag ng game officials ang nakaapekto sa kanilang laro lalo na sa depensa.

“Hindi namin alam kung anong klaseng depensa ang gagawin namin kasi konting banggaan, may foul agad. Kapag sa amin, ako nga nagkasugat-sugat na nga ako.”

Kinuwestiyon naman, partikular ni Joel Jolangcob, ang “flopping fouls” na itinawag sa kanila, kabilang na rito nang dumoble siya sa paguwardiya kay Ola Adeogun.

“Ganon kalaki, banggain ka, tapos flopping?” pahayag ng 5-foot-3 na si Jolangcob tungkol sa tawag nang tumilapon siya matapos banggain ng 6-foot-8 na si Adeogun.

Maging ang kanilang head coach na si Aric del Rosario ay hindi na rin napigilan ang sarili na ayunan ang sinabi ng kanyang mga player.

“After the game, napaiyak ako, pero hindi dahil sa talo namin. Ang iniyak ko lang, bakit ganoon? Bakit hindi kami bigyan ng pagkakataong manalo?”

“Hindi ko naman sinasabi na kampihan nila (referees) kami, pero sa tagal ko sa basketball, alam ko kung tama o mali ang tawag,” dagdag nito.

“Wala na akong masasabi sa kanila. Surrender ako sa kanila sa ipinakita sa akin. Talagang ‘yung puso nila na siguro sa pagmamahal sa akin. Maski alam ko na napapagod na sila, sige pa rin.”