Naramdaman na kahapon ng madaling-araw ang malamig na simoy ng hangin sa bansa.
Dahil dito, opisyal nang idineklara kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pag-uumpisa ng taglamig sa Pilipinas.
Ayon sa PAGASA, nagsimula nang maramdaman ang hanging amihan o ang tinatawag na northeast monsoon kapalit ng habagat.
Inihayag ng PAGASA na namataan na nila kahapon sa mainland China ang high pressure area (HPA) na nagdadala ng northeasterlies sa Luzon na nagdudulot ng cold and dry air sa Northern Luzon na nagiging dahilan upang bumaba na ang temperatura sa lugar.
Naitala na rin ng ahensiya ang paglakas ng alon sa seaboard ng Northern Luzon.
Babala ng PAGASA, asahan na ang mas malamig na umaga na may kasamang mahinang ulan sa Luzon, partikular sa hilaga at silangang bahagi ng rehiyon.