Malaking problema ang kinakaharap ng Arellano University (AU) sa kanilang nakatakdang pagsagupa kontra sa season host Jose Rizal University (JRU) sa Final Four round ng NCAA Season 90 basketball tournament.
Nahaharap sa posibleng suspensiyon ang isa sa kanilang key player, na nagkataon pa na produkto ng JRU Light Bombers sa juniors division, na si Keith Agovida.
Natawagan ng unsportsmanlike foul si Agovida, ang isa sa naasahang manlalaro ni coach Jerry Codinera sa huling bahagi ng second quarter sa nakaraang playoff nila ng defending champion San Beda College (SBC) para sa top spot noong nakaraang Biyernes ng hapon.
Dahil sa pagkawala ni Agovida, binura ng Red Lions ang 22-18 kalamangan ng Chiefs sa first period at rumatsada ng 15-0 blast at hindi na muling lumingon pa upang itala ang 97-69 panalo at makamit ang top seeding papasok sa semifinal round.
“We’ll find a way how we’ll compensate his absence,” pahayag ni Codinera patungkol sa kanyang manlalaro na siyang third leading scorer at second leading rebounder ng koponan.
Gayunman, umaasa pa rin si Codinera na magkakaroon ng konsiderasyon ang league officials sa pagpapataw ng parusa kay Agovida.
“I’m sure they will review that.Agovida was about to take the shot and he got hit, siguro unintentionally,” ani Codinera.
“If you will trace his background, he’s not a dirty player, baka nabigla lang,” dagdag pa ng Chiefs mentor.