Kinontra ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) ang plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na obligahin ang mga pampasaherong bus na gumamit ng Global Positioning System (GPS).
Ayon kay Alex Yague, PBOAP executive director, hindi lang mahal ang GPS kundi discriminatory din dahil tanging ang mga provincial bus ang inoobligang gumamit nito at hindi lahat ng pampublikong sasakyan.
Kinuwestiyon din ni Yague kung bakit ang mga provincial bus ang pinupuntirya ng LTFRB gayung naaaksidente rin ang ibang pampublikong sasakyan at nagagamit din sa gawaing ilegal.
Iginiit ng mga bus operator na handa ang mga itong tumugon sa kautusan ng gobyerno subalit dapat munang tiyakin na epektibo at estratehiko ang programa at magagamit ito nang mahigit sa limang taon.
Kahit walang kautusan mula sa LTFRB, handa ang mga bus operator na gumamit ng GPS subalit ang pagbili ng bagong sistema ay dagdag pabigat lang sa bulsa.
“We are ready to support government in its plan. However, before doing so, we need to see a strategic long-term plan, and we need to be assured that this GPS plan is not another shot-gun approach only good for 5-6 years,” paliwanag ni Yague.
“If the purpose is really to police public transport, then, the order should include all forms of public transport, be it small or big in size, whether air, land or seafaring,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng umiiral na batas, ang LTFRB memorandum ay isang uri ng regulasyon at hindi isang karagdagang serbisyo sa kaginhawahan ng mga bus commuter.
Aniya, ang pag-oobliga sa paggamit ng GPS ay isang uri ng regulasyon na nangangailangan ng isang bagong batas at ang gastusin dito ay dapat na balikatin ng gobyerno.
Noong Oktubre, nagpalabas ang LTFRB ng memorandum circular na nag-oobliga sa lahat ng operator ng public utility bus, shuttle bus at mini bus sa buong bansa na gumamit ng GPS tracking device sa kanilang unit upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.