MAR Roxas

Ni Aaron Recuenco

Nanawagan si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa mga opisyal ng barangay na tulungan ang gobyerno sa pagtukoy sa mga pulis na may kuwestiyonableng yaman.

Naniniwala si Roxas na madaling inguso ng mga opisyal ng barangay ang mga pulis sa kanilang komunidad na may ari-arian at pamumuhay na hindi tutugma sa sahod ng mga ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Kung kayo ay may pulis na kapitbahay na ang ranggo ay major (chief inspector), at sa tingin n’yo na may ginagawang kalokohan dahil siya ay nakatira sa isang mansiyon, nagmamaneho ng mga luxury car at pinag-aaral ang kanilang anak sa eksklusibong paaralan,” pahayag ni Roxas.

Aniya, malaking tulong ang mga opisyal ng barangay sa pangangalap ng impormasyon upang matukoy ang mga pulis na namumuhay nang garbo.

Ipinag-utos ni Roxas ang pagsasagawa ng lifestyle check sa 150,000 tauhan ng PNP matapos mabuking na ang 10 pulis sa EDSA “hulidap,” o huhulihin at matapos ay hoholdapin, ay mga milyunaryo.

Sa kanyang pakikipagpulong sa mga lider ng barangay sa Davao City nitong nakaraang linggo, umapela si Roxas sa mga ito na huwag matakot na ipaalam sa DILG ang mga ilegal na gawain ng mga bugok na pulis sa kani-kanilang komunidad.

“If you know a scalawag policeman who is using his position and name, please text 09176276927 so that we will be able to investigate him,” ani Roxas.