Pinaiiwas muna ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko sa pagbili ng ilang batch ng isang kilalang eye drop na ipinababawi sa merkado.

Batay sa Advisory 2014-074, na inisyu ng FDA, kabilang sa ipinababawi sa merkado ang batch numbers 329-67013, 329-67026, 329-67038 at 429-67018 ng eye drops na tetrahydrozoline hydrochloride (Visine) 0.5 mg/ml (0.05 percent), gawa ng PT Pfizer Indonesia at inaangkat ng Johnson & Johnson (Philippines) Inc.

Nabatid na nag-ugat ang recall sa pahayag ng hindi pagsunod sa good manufacturing practice na inisyu ng Italian Medicines Agency sa gumagawa ng tetrahydrozoline hydrochloride, na active ingredient ng produkto.

“The active pharmaceutical ingredient, tetrahydrozoline hydrochloride, was used in the manufacture of the specific batches of Visine Ophthalmic Solution (eye drops) by PT Pfizer Indonesia,” anang FDA.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon naman kay FDA head Kenneth Hartigan-Go, inatasan na niya ang FDA regulation officers na i-monitor ang produkto sa merkado.

Inatasan na rin niya ang distributors, retailers, pharmacies at mga klinika na nakakuha ng naturang apektadong batch na itigil ang distribution, pagbebenta at paggamit ng naturang produkto.